Konduktor nasapak dahil 'di nagpababa ng bus




Pinagsasapak umano ng isang pasahero ang konduktor ng bus matapos itong hindi payagan na bumaba sa 'no unloading zone'.
Sa kuha ng cellphone video ng isa sa mga sakay ng bus, makikitang sinisigawan pa ng galit na galit na pasaherong si Ronald Allan Gonzales ang konduktor na si James Sagario. Sabi ng kumuha ng video, ito raw ay matapos na sapak-sapakin ng pasahero ang konduktor nitong Martes.
Paulit-ulit pa ang pagmumura ni Gonzales habang umaapela ang mga pasahero na tumigil na siya.
Kahit naman dumugo na ang ilong ni Sagario, hindi pa rin siya nanlaban at sa halip ay pinulot lang sa sahig ang mga natapon niyang barya at ticket ng bus.
Base sa imbestigasyon, kasama ni Gonzales sa bus ang asawa at dalawang anak. Pumara at nagpababa sila sa Baliwag bus station sa Cubao. Pero sabi ni Sagario, hindi sila maaaring magbaba ng pasahero dahil hindi roon ang tamang babaan.
Doon na raw nagalit si Gonzales at pinagsasapak ang konduktor. 
Inihinto ng driver ang bus at pinababa na ang nanakit na pasahero pero hindi pa rin tumigil si Gonzales at nakipaghatakan pa kay Sagario sa hagdan ng bus.
Umalis na lang si Gonzales kasama ang kanyang pamilya nang rumesponde ang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority at namagitan ang mga pulis. 
Hindi na itinuloy ni Sagario ang pagsasampa ng reklamo.
Nagtamo siya ng mga sugat at pasa dahil sa insidente.
Ayon sa kompanya ng bus na pinagtatrabahuhan ni Sagario, idudulog nila sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board ang nangyari at hindi nila hahayaang maulit muli ang ganitong pananakit sa kanilang tauhan. 

Comments